Author Topic: BRP Cabra (MRRV-4409) expelled Chinese navy ship from Marie Louise Bank  (Read 905 times)

adroth

  • Administrator
  • Boffin
  • *****
  • Posts: 14312
    • View Profile
    • The ADROTH Project
BRP CABRA (MRRV-4409), MATAGUMPAY NA NAPAALIS ANG ISANG CHINESE NAVY WARSHIP SA MARIE LOUISE BANK

https://www.facebook.com/coastguardph/posts/779891586012831

Muling itinaguyod ng Philippine Coast Guard (PCG) ang karapatan ng Pilipinas sa Marie Louise Bank na matatagpuan 147 nautical miles mula sa baybay dagat ng El Nido, Palawan.

Base sa report na natanggap ng PCG Command Center noong ika-13 ng Hulyo 2021, na-monitor ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang isang ‘navy warship’ na may watawat ng People’s Republic of China at markado ng Chinese character.

Mahinahong nag-radio challenge ang BRP Cabra (MRRV-4409) habang mino-monitor ang galaw ng nasabing barko gamit ang radar. Lumapit rin ang PCG vessel para mas maaninag ang aktibidad na isinasagawa ng Chinese Navy Warship sa katubigan.

Nang walang matanggap na verbal response, ginamit ng BRP Cabra (MRRV-4409), sa pangunguna ni Commander Erwin Tolentino, ang Long Range Acoustic Device (LRAD) para ipahatid ang verbal challenge sa Chinese Navy Warship.

Matapos nito, nagsimulang gumalaw ang barko palabas ng Marie Louise Bank. Sinundan ito ng BRP Cabra (MRRV-4409) para masigurong lilisanin nito ang nasabing katubigan na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Nang maramdaman na humigit-kumulang 500 - 600 yarda o 0.25 – 0.30 nautical mile lang ang distansya ng BRP Cabra (MRRV-4409) sa kanilang barko, nagpahatid ng radio message ang Chinese Navy Warship: 

“Philippine Coast Guard 4409, this is Chinese Navy Warship 189. Please keep two nautical miles distance from me,” ayon sa barko.
Sa kabila nito, nagpatuloy ang mahigpit na pagbabantay ng BRP Cabra (MRRV-4409) sa Chinese Navy Warship gamit ang ‘Rules on the Use of Force (RUF)’. Ito ay hanggang sa tuluyang nakalabas ng Marie Louise Bank ang nasabing foreign state vessel na tumakbo sa bilis na 9.4 knots.

Ang bawat desisyon at aksyon ng BRP Cabra (MRRV-4409) ay naka-base sa ‘PCG MANUAL ON RULES ON THE USE OF FORCE WITHIN THE PHILIPPINES’ EEZ’. Ito ay para masiguro na ‘RULES-BASED AND PEACEFUL APPROACH’ ang ginagamit sa pagtataguyod ng soberanya at pagpoprotekta sa karapatan ng Pilipinas at mga Pilipino sa katubigan. 

Ang pagpapatrolya ng BRP Cabra (MRRV-4409) sa Marie Louise Bank at Kalayaan Island Group (KIG) sa Palawan ay bahagi ng misyon nito sa ilalim ng Task Force Pagsasanay.

Maaalala na noong ika-30 ng Hunyo 2021, pinaalis din ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang limang ‘Chinese ship' at dalawang ‘Vietnamese vessel’ na na-monitor sa Marie Louise Bank.

Kasunod nito, kinamusta rin ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang kalagayan ng mga Pilipinong mangingisda sakay ng F/B XIROXIRA mula San Jose, Occidental Mindoro. Naabutan silang nagsasagawa ng fishing operation sa Marie Louise Bank. Ayon sa kanila, nananatiling payapa at sagana ang kanilang pangingisda at wala silang nararanasang pang-a-abuso o pang-ha-harass mula sa ibang barko.
Noong ika-06 ng Abril 2021, inilunsad ni PCG Commandant, Admiral George V Ursabia Jr ang Task Force Pagsasanay, alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation (PCG) Secretary Arthur P. Tugade at Pangulong Rodrigo Roa Duterte na itaguyod ang seguridad at kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda sa EEZ ng Pilipinas, kabilang ang West Philippine Sea.